![]() |
| Photo from Philippine Collegian Facebook Account |
Marahil ay inyo ng nabalitaan ang naganap na sunog sa UP Faculty Center nito lamang ika-1 ng Abril taong 2016 sa ganap na 1:00 ng madaling araw. Hanggang ngayon ay hindi pa batid ang tunay na dahilan ng insidente. Kamakailan lamang ay nasunog ang CASAA at UP Bowling Center na siyang ikinalungkot ng mga taga-UP. Nakakadurog ng puso ang pangyayaring ito para sa mga kapwa ko Isko at Iska. Ang ilang ay talaga namang hindi maitago ang pagdadalamhati at hinagpis sa nangyaring sunog sa UP Faculty Center. Isa na ako doon. Oo ng mga oras na kasalukuyang nasusunog ang UP Faculty Center ay dali-dali ko itong nabasa sa Facebook ko at wala akong magawa upang pigilan ang sunog, naiyak ako. Kung sana ang mga luhang lumalabas sa aking mga mata ay kayang sugpuin ang naglalagablab na apoy ay hindi na ako titigil sa pag-iyak hanggang maapula ito. Salamat sa mga bumberong nagtulong-tulong upang apulahin ang apoy na umabot sa Task Force Alpha. Salamat at walang nasaktan o nadamay sa sunog. Salamat dahil walang ibang gusali ang natupok dahil sa mabilis na pagresponde ng mga bumbero sa karatig na lugar.
Kung meron mang nasaktan sa pangyayari ito ay walang iba kung kami, kaming mga Isko at Iska, mga alumni, propesor at estudyante. Marahil ang iba sa inyo ay nagtatanong kung bakit ganoon na lang ang aming reaksyon sa pangyayari. May nabasa pa ako ang isa ay nagtanong “Bakit andun ka ba nung nangyari ang sunog at ganyan ka kaapektado sa sunog?” Oo nga’t wala kami mismo sa pinangyarihan ng sunog. Pero ang mga alala namin ay nasa loob ng gusaling nilamon ng apoy. Mga alaala na humubog sa aming pagkatao bilang isang estudyante ng UP. Mga alaala na minsan ay ay naging bahagi kami ng isa sa pinakamatandang gusali ng unibersidad.
Alaala nung mga panahong hinahabol namin ang mga propesor namin para sa mga grades namin. Mga panahong nakikiusap kung pwede pang habaan ang palugit sa pagpapasa ng papers. Mga alaala na nakikiusap ka kung maaring mag pre-rog sa klase nya lalo na’t graduating ka. Yung mga panahon na nagpapasa ka ng papers sa at ilalagay mo sa pigeon hole ng professor mo. Wala na ngayon yun. Wala na, kasi naging abo na kasama ng ibang alaala ng Faculty Center.
Ang mga exhibits, paintings, readings na masasabing kasing tanda na ng panahong lumipas na kailan man ay hindi na maibabalik pa. Mga alaala ng nakalipas na ngayon ay kasama na ng abo mula sa sunog. Ngunit nawala man sila ng pisikal sa puso’t diwa namin ang alaala ng Faculty Center ay hindi mawawala kailanman. Pipilitin at siskapin naming mga Isko at Iska na muling bumangon at magsimula muli. Pipilitin namin na makalakip ng mga lumang readings na maari pang magamit. Salamat UP Faculty Center. Salamat Bulwagang Rizal, sa mga panahon na nakasama kita nung ako isa pa lamang estudyante. Salamat sa mga panahon na nagkaklase kami sa lugar na iyan. Salamat sa panahong naghihintay ako sa propesor ko para maki-usap sa palugit ng papers. Salamat sa mgamasasayang alaala UP Faculty Center.

No comments:
Post a Comment